Rosario, Batangas, Ipinagdiwang ang
336th Founding Anniversary
BILANG PAGGUNITA sa 336th Founding Anniversary ng Rosario, Batangas ay ginawa itong weeklong celebration na nagsimula noong ika-5 hanggang ika-9 ng Hunyo taong 2023.
Hunyo 9, 2023
INANDAN PRINCE BAILON
Mga estudyante ng Baybayin Integrated National High School na lumahok sa Street Dance Competition habang pumaparada
Litrato kuha ni Mark Gerold Bautista
Sa pangunguna ni Hon. Leovigildo K. Morpe- Rosario Municipal Mayor at mga katuwang nito sa pamumuno ay naging matagumpay ang nasabing selebrasyon. Agaw-pansin dito ang ipinagmamalaking festival ng Rosario, Batangas— ang Sinukmani Festival. Kilala ang bayan bilang isa sa mga “Rice Granaries of Batangas” kaya’t ang pistang ito ay ginugunita hindi lamang dahil sa pagkakatatag ng bayan ng Rosario ngunit bilang pagpupugay na rin sa magandang ani sa larangan ng agrikultura.
“Serbisyong Angat at Tapat, Maigeng Buhay Para sa Lahat” ang naging tema ng pagdiriwang kung saan ang bawat araw ng weeklong celebration ay nakatuon sa pagbibigay ng walang maliw na serbisyo para sa mga mamamayan. Ginanap ang unang araw sa Don Antonio Luansing Memorial Plaza kung saan ginawa ang eucharistic celebration at Opening Ceremony na pinangunahan ng mga pinuno at kinatawan ng bayan. Makaagaw-pansin din sa araw na ito ang official foundation theme song na pinamagatang “Mabuhay Rosario, Maigeng Rosario” na kinanta ni Ms. Monica Rosales– Kumu artist at binansagang “Whistle Queen of Rosario.”
Litrato kuha ni Ryan Ayong
Matapos ito ay ibinida naman ang Historical Exhibit na pinangunahan ni Ms. Russel Masalunga ng Municipal Library at dinaluhan ng panauhing pandangal, Mr. Teodoro Atienza National Historical Commission of the Philippines, Agri-Trade Fair sa pangunguna ni Ms. Jane L. Libuit at Engr. Criselda E. Maranan na dinaluhan naman ni Ms. Elizabeth Gregorio OIC- APCO, at Job Fair na pinangunahan naman ni Mr. Augusto Evangelio at dinaluhan ni Dir. Predelma M. Tan, Provincial Director -DOLE Batangas. Natapos ang unang araw ng selebrasyon sa isang Praise and Worship Night na ginawa ngayong taon sa Rosario Cultural and Sports Center.
Litrato kuha ni Ryan Ayong
Nagbigay daan naman ang ikalawang araw para sa Dog Show— Fun Match Competition at ang Senior Citizens’ Local Payout na parehong ginanap sa Don Antonio Luansing Memorial Plaza. Sa ikatlong araw naman ng pagdiriwang naisagawa ang apat na programa— Vaccination Drive for Anti-Pneumonia, Aling Tindera Project Launching, Let Love Grow: Tree Planting Activity na may layong hikayatin ang mga magkasintahang magpapakasal sa huwes na magtanim nang sa gayon ay ‘di lamang pag-iibigan nila ang yayabong ngunit ang punong kanilang itatanim na maaring magkaroon ng malaking ambag sa inang kalikasan, at ang Basketball Exhibition Games na nagbigay aliw sa mga manonood dahil dinaluhan ito ng ilang celebrity stars. ..
Litrato kuha ni Ryan Ayong
Samantala, noong ika-apat na araw naman ng pagdiriwang isinagawa ang Mass Wedding na nilahukan ng 100 na magkasintahan na nanggaling sa 48 barangays. Kinagabihan naman ay ang Dangal ng Rosario at LGU Night kung saan ang ilang mga mamamayan ay binigyang pagkilala sa kanilang natatanging ambag sa bayang sinilangan.
Sa huli at mismong araw naman ng kapistahan ng Sinukmani Festival, Hunyo 09, 2023 ay tampok ang mga malikhaing sinukmani na nilikha ng 135 na mga kalahok na mula sa iba’t ibang barangay at institusyon ng bayan. Ibinida rin ang Sinukmani Cook Fest na nilahukan ng 10 mga naggagalingang magsisinukmani. Kinagabihan naman ay isinagawa ang makulay na Street Dance Competition na nilahukan ng limang pampublikong eskwelahan.
“Pamunuan ng Rosario sa ginanap na Sinukmani Cook Fest”
Litrato kuha ni Ryan Ayong
Lubos ang pasasalamat ni Hon. Morpe sa naging matagumpay na selebrasyon ng kapistahan, Ika niya, “Maraming maraming salamat po sa inyong lahat, sa inyo pong partisipasyon, sa mga eskwelahan, opisyales ng bayan, department heads, at lahat ng kawani ng ating pamahalaan, at sa lahat ng sponsors. Muli maraming salamat po at hanggang sa susunod pong muli. Pagpalain tayo ng Panginoong Diyos!”
Dagdag pa nya,“Ang tagumpay ng ating bayan ay tagumpay nating lahat kaya God bless po!”