Plastik Mo'y Gagawing Pera ni Aling Tindera

Hunyo 7, 2023

INANDAN PRINCE BAILON

Ribbon Cutting ng Proyektong Aling Tindera kasama ang pamunuan.

Litrato kuha ni Ryan Ayong

Sa pakikipagtulungan ng MENRO (Municipal Environment & Natural Resources) Rosario, Batangas sa Friends of HOPE Inc, isang non-government organization ay inilunsad ang Aling Tindera Project sa bayan. Ang paglulunsad ng proyektong ito na naganap sa Covered Court ng Barangay Quilib, Rosario, Batangas noong nakaraang Hunyo 07, 2023. 

Layon ng proyektong ito na mahikayat ang mga mamamayan na tipunin ang mga plastik na maari pang iresiklo. kapalit ng mga plastik na tuyo, malinis at maaari pang mapakinabangan ay perang manggagaling kay Aling Tindera. Sa tulong ng proyektong ito ay ang kabawasan ng dami ng basurang natitipon sa bayan. Bukod pa dito ay nagbibigay tulong din ng proyekto sa katuwang na organisasyon sa layon nitong pagreresiklo.

Ayon kay Ms. Cynthia Cabillo ng MENRO, “Si Aling Tindera ay isang naninirahan sa komunidad. ang bahay ay malapit sa pagtatayuan ng container van. Hindi siya employed at siya ay may pagpapahalaga sa kalikasan. Pinili siya ng kanyang barangay upang maging Aling Tindera. Katulong niya ang munisipyo sa mga logistiucs na kinakailangan para sa Aling Tindera Project.”

Mga kawani ng pamunuan kasama ang ilang mamamayan habang nagsasaayos ng basura na ibinenta kay Aling Tindera.

Litrato kuha ni Ryan Ayong

Malaking tulong ang programa sapagkat ang mga plastik na hindi na nabebenta ay maaaring maibenta kay Aling Tindera gaya na lamang ng mga food wrappers soft plastics, hard plastics, microwavable food containers, colored plastics, e-commerce plastics at iba pa. Dumedepende ang presyo ng plastik sa uri nito.

Ilang mamamayan habang nagsasalansan ng basurang ibinenta kay Aling Tindera.

Litrato kuha ni Ryan Ayong

Ang Barangay Quilib, Rosario, Batangas ay isa pa lamang sa bayan na nakitaan ng potensyal na handa na sa Aling Tindera Project. Gayunpaman ay inaasahan na ang proyektong ito ay lalawig pa sa iba pang barangay sa Rosario.